Pumanaw nitong Huwebes habang nakapiit sa New Bilibid Prison ang murder convict at dating kongresista na si Ruben Ecleo, Jr.

Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) spokesperson Gabriel Chaclag, pumanaw si Ecleo dahil sa sa cardiopulmonary arrest dakong 12:20 p.m. nitong Huwebes.

Noong nakaraang linggo, gumaling na si Ecleo sa COVID-19, sabi pa ni Chaclag.

“[His] other medical conditions include obstructive jaundice, chronic kidney disease secondary to obstructive uropathy,” anang opisyal.

Si Ecleo, dating kongresista ng Dinagat Islands, ay nahatulang makulong dahil sa pagpatay sa kaniyang asawa noong 2002.

Naaresto siya sa Pampanga noong July 2020, walong taon makaraang siyang hatulan ng korte.

Nahatulan din si Ecleo sa kasong katiwalian kaugnay sa maanomalyang proyekto noong alkalde siya ng San Jose town sa Surigao del Norte mula 1991 hanggang 1994.—FRJ, GMA News